http://www.onegreatfamily.com, , , Get a Free psychic reading

Martes, Mayo 6, 2014

Nakipagrelasyon si misis sa iba dahil si mister ay nasa Saudi

Problema sa puso?

Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …



Dear Ria,

Mayroon akong karelasyon mayroon akong mister na nasa Saudi. Alam kong mali ang ginagawa ko pero labis akong nangungulila sa aking asawa kaya naghanap ako ng ibang karelasyon. Sa ngayon ay hindi ko alam kung paano ko hihiwalayan ang aking karelasyon. Payuhan mo po ako. – Bing




Bing,
Sabihin mo riyan sa karelasyon mo ay mayroon ka ng asawa kaya kailangan mo ng putulin ang pakikipagrelasyon sa kanya. Ang problema nga lamang, papayag ba siya na makipagkalas sa’yo? Siguro kung mabait siya at ayaw na niyang nakikita na nahihirapan ay papayag siya, paano kung hindi?
Tsk, tsk. Napakalaki ng problema mo. Para kang pumasok sa isang napakalaking lagusan at tiyak na mahihirapan kang lumabas. Hindi lang kasi ang lalaking ‘yan ang kailangan mong dispatsahin kundi ang mga tsismosa na nakakakita sa ‘milagrong’ ginagawa mo. Pero, paano mo iyon magagawa kung lantaran ang pakikipagrelasyon mo?
Kahit pa nga lihim na lihim ang pakikipagrelasyon mo, tiyak na mayroon pa ring makakatuklas ng ginagawa mo. Paano kung makarating iyon sa’yong asawa? Aba, kahit milya-milya ang layo niya sa’yo tiyak na may mga kamag-anak siya o kaibigan na magsasabi sa asawa mo ng tungkol sa pagtataksil mo.
Makakaya mo ba na magkasira o magkahiwalay kayong mag-asawa? O, hindi ba ang sabi mo ay, nangungulila ka lang sa’yong asawa? Sa aking palagay ay ‘lust’ lang ang dahilan kaya nakipagrelasyon ka at kahit pa ano ang sabihin mo, maling-mali ang ginagawa mo kaya itigil mo na habang may panahon pa.
Iyon nga lang, napakahirap na ilihim mo sa’yong asawa ang iyong ginawa, kung sakaling walang nagsabi sa kanya o sadyang magaling kayong magtago ng iyong karelasyon, kaya para sa akin ay makabubuti kung aaminin mo din sa kanya ang totoo. Kaso nga lang, kapag ginawa mo iyon, malaki ang tendensiya na makipaghiwalay siya sa’yo o kaya naman higit pa roon ang kanyang magawa. Wala naman kasing lalaking matutuwa na nakikipagrelasyon ang asawa niya sa iba habang siya ay nagpapakahirap na magtrabaho.





Nagseselos sa bestfriend ng boyfriend

Problema sa puso?

Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …


Dear Ria,
Pinagseselosan ko ang bestfriend na babae ng aking boyfriend. Super close kasi sila. Tama ba ba ang aking nararamdaman? – Claire



Claire,
Hmmm…okay lang ‘yang nararamdaman mo. Kung hindi ka magseselos sa babaeng mapapalapit sa’yong BF, ibig lang sabihin nu’n, hindi mo siya mahal. 
Sabi nga, ang pagseselos ay bunga ng pagmamahal mo. Ngunit, hindi naman lahat ng pagseselos ay makabubuting maidudulot sa inyong relasyon. Kadalasan, nagging dahilan ‘yan kaya magkakasira kayo. 
Napakaimportante sa relasyon ang tiwala. Bakit, hindi mo iyon ibigay sa’yong boyfriend? Wala ka bang tiwala sa kanya? Feeling mo ba ay papatusin niya ang kanyang bestfriend?
Kung talagang kaselos-selos ang relasyon ng iyong BF at ng kanyang bestfriend, kausapin mo ang iyong boyfriend. Itanong mo sa kanya kung hanggang kaibigan lang ba talaga ang tingin niya sa kanyang BFF. Kapag naman kasi nagselos ang babae, kadalasan ay mayroong dahilan, Baka naman kasi nakikita mo talaga na more than friends sila. Aba, kung ganu’n talaga, dapat mo na talagang iwanan ang iyong boyfriend dahil nagagamit ka na lang niya.
Ngayon kung sasabihin naman niya na ikaw ang mahal niya na diretsong nakatingin sa’yong mga mata, paniwalaan mo iyon. Hindi naman kasi iyon sasabihin sa’yo ng lalaki kung hindi nanggagaling sa kanyang puso. 
Pirmi mong tatandaan na ang relasyon ng mga bestfriend ay maging tagapakinig at tagapagtanggol ng kanyang kaibigan, kung sa tingin mo ay hindi na kailangan ng boyfriend mo ang kanyang bestfriend, maging mabuti kang kaibigan sa’yong boyfriend para mabawasan ang time nila sa isa’t isa. ‘Yon nga lang, may mga samahan na hindi kayang buwagin.  
Ah, makabubuting mag-usap kayo ng boyfriend mo. Kung maaari, kaibigan mo rin ang kanyang bestfriend. Malay mo, maging close kayo at sa pamamagitan noon ay malaman mo kung bakit siya bestfriend ng iyong boyfriend.


Lunes, Mayo 5, 2014

Tips para makuha ang puso ni labs

Problema sa puso?

Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …



Dear Ria,

Like kong mahalin ako ng lalaking mahal ko. Hindi ko lang alam kung paano ko gagawin iyon. Mabibigyan n’yo ba ako ng tips? – Gina



Gina,
Nasubukan mo na bang gayumahin siya? Tsika! Kahit may alam ka sa pangungulam o anumang black magic, hindi recommendable na gawin ‘yan. Dahil ang anumang bagay na peke hindi magtatagumapay. So, ganito ang tips na ibibigay ko sa’yo para hundred percent na makuha mo ang kanyang puso.
Una, siguraduhin mo na like ka rin niya. Hindi mo naman makukuha ang kanyang atensyon kung wala naman siyang interes sa’yo. Kaya para huwag kang mapahiya, siguraduhin mo munang magugustuhan ka niya. Kung malakas naman ang fighting spirit mo na magugustuhan ka niya, sumige ka pa rin. Basta tiyakin mo lang na magandang-maganda at seksing-seksi ka pag haharap ka sa kanya.
Pangalawa,  kaibiganin mo na siya. Kahit naman nasa makabagong panahon na tayo ngayon, kailangan mo pa ring tandaan na ang mga kalalakihan ay naghahanap pa rin ng babaeng makaluma. Sa madaling salita, ‘yung Maria Clara kaya makabubuti kung huwag mo siyang bibiglain. I mean, huwag mo siyang lalandiin. Kahit patulan ka niya sa panlalandi mo, sure ako na hindi ka naman niya igagalang.
Pangatlo, hanapin mo na ang kanyang kiliti. Hindi naman porke sinabi ko ito ay talagang kikilitiin mo siya. Huwag kang literal. Ang ibig kong sabihin ay hanapin mo ang kanyang kahinaan. Kung lagi siyang mayroong problema, dapat naririyan ka at makinig sa kanyang mga hinaing. Siguro naman ay hindi ka mabu-bore sa kanya kapag siya na ang nagsalita. Kung mababagot ka sa kanya, hindi tunay ang damdamin mo para sa kanya.
Pang-apat, mahalin mo rin ang mahal niya. Makipag-close ka sa kanyang pamilya. Pero, bago mo gawin iyon, siguraduhin mo munang nakuha mo na ang kanyang puso. Masakit naman kasi kung makukuha mo nga ang boto ng kanyang pamilya pero wala naman siyang pakialam sa’yo.
O, sana ay makatulong sa’yo ang tips na ito para makuha mo ang puso ng iyong mahal.  

Linggo, Mayo 4, 2014

Walang regular na work ang BF kaya nagdadalawang-isip pakasalan

Problema sa puso?
Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …



Ria,
Hindi ako sure kung magpapakasal ako sa aking boyfriend na wala namang regular na trabaho. Kahit naman ganu’n mahal ko siya pero ako ay naguguluhan kung ano nga ba ang dapat kong gawin. Payuhan mo ako please… -- Samantha



Samantha,
Kung wala namang regular na trabaho ang iyong boyfriend, isang malaking kalokohan na magpakasal ka sa kanya. Aba, paano kayo mabubuhay niyan?
Saan kayo titira? Paano kapag nagkaanak kayo? Bago ka magpakasal sa kanya, makabubuti kung maniguro ka muna sa inyong kinabukasan.
Hindi porke nagmamahalan kayo ay magpapakasal na kayo kahit wala naman kayong magiging kinabukasan. Ang kailangan, handang-handa kayong harapin ang buhay pag-aasawa.
Huwag kayong tumulad sa ibang mag-asawa na ang tanging dahilan lang nagpakasal ay ang kanilang pagmamahalan.  Sabi nga ng matatanda, ang pag-ibig ay lumilipad sa labas ng bintana kapag kumakalam na ang inyong mga sikmura. Kapag gipit na gipit na kayo sa mga gastusin.  Kaya kahit mahal na mahal mo ang isang lalaki, huwag kang magpapakasal sa kanya kung wala siyang malinaw na kabukasan na maibibigay sa’yo. Kahit sabihin mo pang mayaman ang  ang lalaking ‘yan, mauubos din ang kayamanan niya kung hindi siya magtatrabaho. O hindi ba, maging ang mayayaman ay nagbabanat ng buto para hindi maglaho ang kanilang pinaghirapan.
Importante sa mag-asawa ‘yung may trabaho ang lalaki, kung siya ang magiging palamunin, siguradong hindi magiging maganda ang pagsasama ninyo. Kahit naman kasi, nasa modernong panahon na tayo, ang lalaki pa rin ang dapat na magdala sa kanyang pamilya. Kaya kung ikaw lang ang nagtatrabaho at malaki pa ang kita mo, tiyak na away ‘yan.
Kaya bago mo tanggapin ang proposal niyang boyfriend mo, sabihin mo munang magtrabaho siya. Hindi mo naman kamo hinahangad na mayroon siyang malaking kita. Okay na kamo ‘yung regular ang kanyang kita. Hmm, pero mas okay pa rin siyempre kung ang kita niya ay can afford na talagang bumuhay ng pamilya. Siyempre, hindi lang naman ikaw ang bubuhayin niya, maging ang magiging anak o mga anak ninyo.




Sabado, Mayo 3, 2014

In-love raw siya sa kanyang guy bestfriend

Problema sa puso?
Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …


Dear Ria,

In-love ako sa aking guy bestfriend. 15 years old lang ako. Sasabihin ko ba sa kanya ang feelings ko? – Breanna




Breanna,
Kung sasabihin mo sa kanya ang feelings mo, malamang, masisira na rin ang friendship ninyo. Hindi ko naman ipinamumukha sa’yo na hindi ka niya magugustuhan, ha. Siyempre, siya lang naman ang makakasagot nu’n kung may pag-asa ka sa kanya ngunit sa tingin ko ay napakabata mo pa para maging mapangahas sa pagtatapat ng feelings sa lalaki, ano.
Aba, kahit naman BFF mo siya ay lalaki pa rin niya, maaaring maisipan niyang mag-take advantage o kaya naman ay pagtawanan ka niya. Ang ending masisira ang friendship ninyo. Gusto mo ba ‘yon?
Kung pinahahalagahan mo ang friendship ninyo, sure ako na ‘hindi’ ang isasagot mo.
Hindi naman kasi porke masaya ka kapag nakikita o nakakasama mo siya ay may gusto ka na sa kanya, maaaring nabubulagan ka lamang sa’yong nararamdaman dahil masyado ka ngang nasanay sa kanyang presensiya. Ang dapat mong gawin, igala-gala ang tingin. Huwag mong hayaang umikot lang sa kanya ang mundo.
Aba, kailangan mo rin namang ibaling sa’yong pamilya at mga kaibigan ang iyong atensyon. Kahit naman mag-bestfriend kayo, mayroon pa rin kayong magkaibang buhay. Kaya, ayusin mo muna ang buhay mo bago ka mag-isip ng tungkol sa’yong lovelife.

Nakipag-break lang ang BF sa text, ‘no ba ‘yan?

Problema sa puso?

Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …


Dear Ria,

Wala kaming formal break-up ng boyfriend ko, sa text lang niya sinabi na break na kami. Ngayon naman ay nabalitaan ko na mag-aasawa na siya. Ano ang gagawin ko? –  Jocelyn




Jocelyn,

Hindi mo naman siguro iniisip na puntahan pa siya, ano? Well. Okay lang naman na gawin mo iyon para magkaroon din kayo ng closure. Ang tanong nga lang, handa ka ba? Kung sa palagay mo ay aatungal ka na parang kinakatay na baka o di kaya naman ayhuwag na lang, total naman ay malinaw pa sa sikat ng araw na may mahal na siyang iba. Hayan nga at pakakasalan na niya. Huwag mong sabihin na like mo pang magpakamartir. Aba, binabaril na sa Luneta ang mga nagpapaka-martir.

Ang dapat magpakatatag ka. Isipin mo na lang, hindi lang siya ang lalaki sa mundo. Maaari mong isipin na ang lalaking itinadhana para sa’yo ay mas higit ang katangian kaysa sa kanya. Baka nga sampung doble pa.

Burahin mo na sa utak mo ‘yung wala kayong formal break up dahil wala namang kuwenta ang lalaking ‘yan. Kung matino kasi siyang lalaki, hindi niya idadaan sa text ang pakikipagkalas niya sa’yo. Dapat ay pormal siyang nakipag=break sa’yo pero hindi ganu’n ang ginawa niya. Mas pinili niyang maging duwag dahil alam niyang mali ang kanyang ginawa.

O, sana naman kahit paano ay naipamulat ko sa’yo ang katotohanan na hindi lahat ng nagsasabi ng I love you ay nagagawang panindigan ang katagang iyon hanggang wakas.








RIA ang itawag mo sa akin



Problema sa puso?

Ibahagi mo ‘yan sa Dear Ria, …


Ako nga pala si Maria Angela Gonzales-Tabinas, masyadong mahaba ang name ko kaya Ria na lang ang itawag mo sa akin,  huwag mo na tanungin ang edad ko dahil wala na sa kalendaryo pero nasa lotto pa naman.  Ang rason ko kaya ginawa ko ang blogsite na ito ay dahil gusto kong makatulong sa mga teenagers, babae, lalaki, matatanda o nagbabata-bataan na nababaliw-baliw kung paano sosolusyunan ang kanilang problema at lalo na doon sa mga tao na feeling ay naghihingalo ang kanilang puso.

Huwag OA, ha. Hindi naman porke broken-hearted ka ay iisipin mong katapusan na ng mundo. Of course not, hindi pa naman end of the world, ano. Na-postponed nga ang December 21, 2012.



Kaysa naman maisipan mong mag-bisyo, sumama sa masamang barkada o kaya ay magpatiwakal, mas maigi pang kausapin mo na lamang ako. Tiyak pang luluwag pa ang iyong kalooban. Kahit naman feeling ko ay may sayad din ako hahaha, may kauntI pa rin naman akong natitirang katinuan, huwag kang mag-alala. Baka kahit katiting ay mapagliwanag ko rin ang iyong isipan.

Kahit naman marami ang nagsasabi na para akong autistic, hindi pa rin dahilan iyon para masabi kong magiging bad influence ako sa’yo, aba, good girl kaya ako, kaya naman sure na sure ako na maigigiya kita sa tamang landas.

O, sulat ka na sa Dear Ria,...

Share mo na sa akin ang ini-emote-emote mo riyan. At agad-agad kitang sasagutin.



Nagmamahal,

Ria